Umabot sa 440 katao ang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Eastern Police district (EPD) sa isinagawang anti-criminality operation sa Pasig City.
Ayon kay EPD Director Chief Supt. Romulo Sapitula, naganap ang operasyon bandang alas 7:00 ng umaga ng September 27 hanggang alas 7:00 ng umaga kahapon.
Batay sa report, tatlo katao ang naaresto sa kasong paglabag sa illegal na droga, 34 katao naman ang inarestong lumabag sa ordinansang drinking in public, 331 ang arestado sa anti-smoking o smoking in public places.
Nasa 67 katao naman ang nahuling nakahubad o walang damit pang-itaas, apat ang inaresto sa isinagawang follow up sa bisa ng warrant of arrest at dalawa pa sa paglabag sa PD 1602.
Ang mga naaresto ay inireport ng Pasig City Police Station sa tanggapan ni EPD Director Sapitula.
Ang mga naarestong menor de edad ay pinangaralan upang hindi na muling ulitin ang kaso at agad na pinatawag ang mga magulang upang sunduin habang ang iba naman ay nakakulong at inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.