442 Pinoy sa ‘kaldero’ ni Alan pinauwi na

Kapiling na ngayon ng kanilang pamilya ang 442 Pilipino na isinailalim sa 14 araw na quarantine sa Athletes’ Village sa New Clark City sa Tarlac na tinaguriang ‘kaldero’ ni House Speaker Alan Peter Cayetano.

Ang nasabing mga Pinoy ay sakay ng MV Diamond Princess cruise ship na dumaong sa Yokohama, Japan.

Nabatid na inihatid na sa kanilang mga bayan ang mga ito matapos ang isang send-off ceremony kahapon, Miyerkoles, na hindi pinayagang ikober ng media.

Ayon kay Department of Health (DOH) Assistant Maria Rosario Vergeire, patuloy namang naka-confine sa ospital ang dalawa pang Pinoy na kabilang ng sakay ng nasabing cruise ship na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Aniya, patuloy nilang imo-monitor ang kondisyon ng mga nabanggit na Pinoy COVID-19 patient. (Juliet de Loza-Cudia)