45 kilong kontaminadong karne nasamsam sa supermarket

Nasamsam ang umaabot sa 45 kilo ng karne ng baboy na hinihinalang kontaminado ng African Swine Fever (ASF), ginamitan ng illegal slaughtering o hot meat sa isang supermarket sa Novaliches Quezon City.

Ayon kay Quezon City Veterinarian Dra. Ana Cabel, sa iisang vendor lang ang nasabat na karne at kapag wala itong naipakitang permit sa susunod na inspeksyon ay tatanggalan na ito ng business permit.

Nanawagan naman ang pamahalang lokal ng Quezon City sa publiko na mag-doble ingat sa pagbili ng karne sa lahat ng mga pamilihan. Kabilang aniya sa sintomas ng bad meat ang hemorrhage at reddish discoloration.

Aniya, tuloy-tuloy pa rin ang monitoring at inspeksyon ng QC Veterinary Office sa mga palengke, grocery at supermarket upang maharang ang ‘unsafe meat’.

Magugunitang kamakailan lamang ay inihayag ni QC Mayor Joy Belmonte, na napigilan na ang pagkalat ng ASF sa lungsod dahil wala nang bagong ‘positive blood test’ at pagkamatay ng mga baboy na naire-report sa nakalipas na 30-araw.

Nabatid pa na sa Pebrero 2020, maglalabas ng ordinansang magbabawal sa mga backyard piggery at poultry sa lahat ng barangay sa lungsod. (Dolly Cabreza)