45 sa ASG patay sa operasyon sa Basilan

Inihayag ng Western Mindanao Command na umaabot na sa humigit kumulang 45 mga kasapi ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay sa month-long operation ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Basilan.

Nitong nakaraang araw matagumpay na nakubkob ng militar ang stronghold ng ASG sa bundok na Hill 355 sa Brgy. Silangkum sa Tipo-Tipo.

Sinabi ni Lt. Col. Andrew Bacala Jr., commanding officer ng 4th Special Forces Battalion ng Philip­pine Army, ang pagkubkob ay resulta ng combined assault.

Bukod sa maraming napatay na bandido ay nakarekober din sila ng matataas na kalibre ng mga baril katulad na lamang ng caliber .50 heavy machine gun at maraming mga bomba.