Apatnapu’t limang saksak ang itinarak sa katawan ng isang driver ng staff sa House of Representative ng isa umanong waray habang natutulog ang una sa kanyang quarters sa Quezon City kahapon nang umaga.
Ang biktimang natagpuang patay ay nakilalang si Atilano Asi Servan, 51-anyos, may-asawa, driver ng Committee on Affairs Department sa House of Representatives at stay-in sa bahay ng kanyang among si Tyrone Hernandez sa No. 4 Candelaria St., Don Jose Heights Subdivision, Brgy. Commonwealth, QC.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Sandrex Cordel Pineda, 24, taga-Bgry. Capuocan, Ginadlongan, Leyte.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 George Caculba ng Criminal Investigation and Detection Unit, ng Quezon City Police District (QCPD), natagpuan ang duguang katawan ng biktima alas-6:30 nang umaga.
Nauna rito, gabi ng Pebero 19 ay nakipag-inuman umano ang biktima sa kanilang kasambahay na si Arlyn Talinting at sa boyfriend nito sa garahe habang ang suspek ay nasa labas at nakikipagkwentuhan sa mga kapitbahay na sina Agnes Dela Cruz, Cheche Serbidad, Mabel Braga, at mga nakilala lamang sa pangalang Vic, Lorie at Arjay.
Nang malasing na umano ang biktima ay nagpasya na itong matulog sa kaniyang quarters. Nagpaalam na rin ang nobyo ng kanilang kasambahay.
Habang nagliligpit naman ng pinag-inuman si Talinting sa garahe ay nakita nito si Pineda mula sa kusina at nagmamadaling lumabas, subalit hindi na lamang umano niya ito pinansin.
Kinabukasan (Pebrero 20) ay inutusan si Talinting ng anak ng kanilang amo na gisingin si Servan.
Nang puntahan sa quarters ay bumungad sa kaniya ang duguang katawan ng driver at wala nang buhay.
Nasamsam sa crime scene ang isang 12 inches kitchen knife na may bahid ng dugo at mga nagkalat na buhok na palatandaang nanlaban ang biktima.
Patuloy pang nag-iimbestiga ngayon ang pulisya sa motibo ng krimen habang pinaghahanap pa ang suspek.