Nakahanap ng paraan si House Majority Leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. para hindi makatanggap ng P45 bilyong pondo ang Department of Public Works and Highways na pinamunuan ni Secretary Mark Villar, at dalawa pang ahensiya ng gobyerno sa pagbuwag ng Road Board.
Ito’y matapos patulan ni Andaya ang panukala ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na pag-usapan sa bicameral conference committee ang magkaibang posisyon ng Kamara at Senado sa panukala tungkol sa abolition ng Road Board.
“We are positively responding to Senator Zubiri’s call that the Senate and the House meet in conference to hammer out a better and genuine Road Board abolition bill,” pahayag ni Andaya.
Sa panig ng Kamara, itatalaga ayon kay Andaya ang mga miyembro sa kanilang hanay para sa bicameral conference committee sa unang araw ng sesyon sa Enero 14, 2019.
“Senator Zubiri’s proposal is the way forward, for both houses to jointly cure the bill of its defects, instead of carelessly sending to the President a flawed and faulty one, which does not offer reforms but more of the same bad practices,” paliwanag ni Andaya.
Sa mga pagpupulong ng bicameral conference committee kalimitang nagkakaroon ng hilutan at aregluhan sa ‘disagreeing provisions’ ng panukala, lalo na kung may pondong sangkot.
Oras na makapagpulong ang bicam panel, itutulak ni Andaya na huwag isalin sa mga kalihim ng DPWH, Department of Transportation (DOTr) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kapangyarihan ng Road Board.
Imbes na mapunta sa tatlong ahensiya ng gobyerno ang taunang P12 bilyong revenue mula sa Motor Vehicle User’s Charge (MVUC), igigiit ni Andaya na sa general fund babagsak ang kita mula sa binabayarang tax sa pagpaparehistro ng sasakyan.
Iisa-isahin din aniya ang paglalaanan ng pondo para makita ito ng publiko at sisiguraduhin na kada sentimo na kinatas sa mga motorista ay mapupunta para sa kanilang kapakinabangan.
Kung hindi mababago ang inaprubahang bersyon ng Kamara at Senado sa bicam panel, 80 porsiyento ng P45 bilyong pondo ng Road Board ay mapupunta sa DPWH, habang tig-10 porsiyento naman ang DOTr at DENR. (Aries Cano)