Binigyan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso nang tig-25 kilong bigas ang may 4,847 miyembro ng Manila Police District (MPD) bilang ayuda sa ‘di matatawarang ambag sa panahon ng COVID-19 pandemic bilang mga frontliner.

Ayon sa alkalde, alam niya na hindi ito sapat pero gusto niyang ipaabot ang pagtanaw ng utang na loob ng pamahalaang lungsod sa malasakit na ipinakita ng kapulisan.

“As frontliners natin sa pagpapanatili ng peace and order sa sitwasyon ng lungsod, sila ay katulong o katuwang ng pamahalaang-lokal sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine at curfew,” ayon kay Moreno.

“The MPD policemen under Gen. Rolly Miranda are also working above and beyond their normal workload in these trying times, specially during hard lockdowns that we were constrained to implement. We cannot thank them enough,” dagdag pa nito.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Mirandana ang ipinakikitang suporta ni Moreno at pagtanaw ng utang na loob ay nagpapataas ng moral ng mga pulis.

Sinabi pa ni Miranda, inspirado na magtrabaho ang mga pulis dahil sa ipinakikitang kasipagan at ehemplo ni Moreno.

Nabatid na hindi nakakalimutan ni Moreno na magbigay monetary rewards sa sinuman pulis na nakakahuli ng mga kriminal at malimit silang binibigyang pagkilala sa kanyang mga live broadcast nito. (Juliet de Loza-Cudia)