Apat na araw bago isagawa ang taunang PBA Rookie Draft ay agad nang gumalaw ang NLEX Road Warriors at Phoenix Fuel Masters para sa asam na mahugot na mga baguhang manlalaro na magpapalakas sa kani-kanilang koponan sa muling pagbubukas ng liga.

Agad na gumalaw ang 2 koponan matapos makita ang kanilang kinakailangang manlalaro sa ginanap na Rookie Draft Combine.

Nagkasundo ang mga opisyales ng NLEX at Phoenix para sa isang trade na kung saan ibinigay ng Fuel Masters ang kanilang hawak na karapatan sa No. 4 pick patungo sa Road Warriors. Kasama din sa usapan ang 2019 second round pick ng Fuel Masters.

Makukuha naman ng Fuel Masters bilang kapalit ang mga beterano na sina Alex Mallari at Dave Marcelo.

Dalawang beses sanang pipili ang Phoenix sa unang round kung saan kapit nito ang 4th at 12th pick.

Agad nang ipinadala ang dokumento para sa trade para aprubahan ng PBA Commissioner’s Office.

Samantala’y halos nasiguro na ang unang tatlong mapipili sa isasagawang PBA Rookie Draft sa Linggo, Disyembre 16, sa pagitan nina Bobby Ray Parks Jr., CJ Perez ng Lyceum at Robert Bolick ng San Beda.