Nabawi ng kanyang mga magulang ang isang 5-anyos na babae na tinangay ng isang binata mula sa bayan ng Sta. Cruz at binalak pang ibenta sa Siniloan, Laguna kahapon ng umaga.

Batay sa ulat, sa Siniloan nakuha ng pulisya ang biktimang itinago sa pangalang ‘Grace’ na huling nakita kasama ang isang mangangalakal sa kanilang lugar kasama pa ang dalawang bata sa Villa Silangan kamakalawa.

Nang hindi na nakauwi sa kanilang bahay ang bata, humingi na ng tulong sa awtoridad ang pamilya nito.

Nakatulong ang CCTV footage ng barangay para makilala ang suspek na si Rodrigo Diaz Dino, 20-anyos, at naaresto sa kanyang inuupahang bahay sa Brgy. Pagsawitan. Umamin ito na dinala nito ang bata at iniwan sa isang ‘Emy’ habang hinihintay ang kukuha sa biktima kapalit ng P5,000.

Nakakulong na ngayon si Dino habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kasabwat nito.