Tuluyang nalagutan ng hininga ang isang 5-anyos na bata matapos itong sakalin at talian sa leeg ng kanyang yaya na sinasabing naaburido matapos silang mag-away ng kanyang boyfriend kamakalawa sa General Santos City.
Nakakulong na ngayon ang kasambahay na si Anselma Yangon, 18-anyos bunsod ng ginawa nitong pananakal sa kanyang alaga, na panganay na anak ng mag-asawang pulis na kanyang amo. Si Yangon ay 2-taon nang namamasukan sa pamilya ng biktima.
Bago ang pagkakatagpo sa anak ay nagtaka ang pulis nitong nanay dahil sa walang anak na sumalubong sa kanya pag-uwi nito bandang alas-5:00 ng hapon. Hanggang sa makita na lamang nitong nakabigti ang panganay.
Tinangka pa itong isalba sa ospital subalit idineklara na itong dead on arrival.
“Allegedly, itong katulong, pumasok na lang sa playroom at nakita na lang ang bata na nakatayo at may tali sa leeg. Dinala sa ospital pero dead on arrival,” paglalahad ni Chief Insp. Ananais Vasquez.
Sinasabing tinangka pang itago ng yaya ang ginawang krimen nang sabihin nitong nagbigti ang biktima.
May mga nakita ring iba pang tali sa loob ng bahay na pinaniniwalaang bukod sa biktima ay tinangka ring patayin ng kasambahay ang isa pa nitong 3-anyos na alaga.
Itinanggi naman ito ng kasambahay kasabay ng paghingi nito ng tawad sa mga amo.
“Sana mapatawad nila ako, kasi hindi ko naman po sinasadya,” paliwanag ni Yangon.
Napag-alaman na nag-away si Yangon at nobyo nito isang araw bago ang Valentines’ Day na naging dahilan para maaburido ang yaya.
Desidido naman ang pamilya na magsampa ng kasong murder laban sa kasambahay.