Dalawang sundalo at limang kasapi ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang patay nang subukang iligtas ng militar ang mga hostage ng bandidong grupo kamakalawa sa Sulu.

Ayon kay Sulu Provincial Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana, nakasagupa ng mga sundalo ang nasa 30 armadong grupo nang tangkaing sagipin ang may 23 bihag na kinabibilangan ng 15 dayuhan.

Napag-alaman na nagpasyang sagipin ng mga sundalo ang mga bihag matapos magbanta ang mga bandido na pupugutan umano ng ulo ang mga ito.

Pinaghiwa-hiwalay ng bandidong grupo ang mga hostages sa iba’t ibang commanders kaya’t hindi malinaw kung sino sa kanila ang may hawak ng grupong nakaharap ng military.