Binati ni Makati Mayor Abby Binay ang limang barangay sa lungsod na idineklara ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug-Clearing Program na malinis na sa iligal na droga.
Sa isang pahayag, sinabi ng alkalde na ang mga barangay na mayroon nang drug-cleared status ay ang Brgy. Bel-Air, Dasmariñas, Sta. Cruz, Pinagkaisahan at Post Proper Southside simula noong Pebrero 27.
“We honor the anti-drugs taskforce for your exemplary efforts to eradicate illegal drugs and its accompanying unlawful acts in the city. Let us continue to work hand-in-hand to put an end to the illegal trade and save the future of our young Makatizens,” ani Binay.
Bukod sa mga barangay captain, pinuri rin ni Binay ang Makati Anti-Drug Abuse Council, Department of the Interior Local Government-Makati at ang anti-drugs taskforce ng lungsod.
Ibinatay ang sertipikasyon sa kawalan ng supply at aktibidad ng droga, gayundin ang mga pagkakabuwag sa mga drug laboratory, den, taniman ng marijuana, mga tulak, drug dependent at maging mga protektor nito.