5 CAFGU patay sa Mt. Province landslide

Limang miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang kumpirmadong nasawi matapos matabunan sa pagguho ng lupa ang gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) habang kasagsagan ng pana­nalasa ng bagyong Rosita sa Natonin, Mt. Province noong Huwebes.

Ayon kay Captain Jefferson Somera, public affairs officer ng 5th Infantry Division ng Philippine Army, naipaalam na nila sa pamilya ng mga ito ang sinapit ng mga biktima.

Tatlo sa mga biktima ang kinilalang sina Leobel Orchilion, Linang Pallichang at Jonathan Ngilin.

Sa report, galing sa kanilang kampo sa Aguinaldo, Ifugao ang mga biktima at nagtungo sa nasabing lugar para mag-sideline sa proyekto ng DPWH.

Aniya, matatapos na ngayong buwan ang 15 araw na trabaho ng mga biktima sa DPWH at nandoon sila sa lugar para sa bagong hanapbuhay.

Patuloy ang ginagawang rescue at retrieval operation sa guho para maghanap pa ng mga survivor na naiwan sa loob ng gusali.

Samantala, nagpadala na ang DPWH ng mga heavy equipment para gamitin sa paglilinis sa mga kalsada na patungo sa pinangyarihan ng landslide sa Natonin.