Dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team ang limang Chinese national na nag-o-overpricing at hoarding ng mga surgical mask at N95 mask kahapon ng umaga sa Binondo, Maynila.

Ayon kay Police Maj. Rosalino Ibay Jr., hepe ng SMaRT, alas-11:30 ng umaga nang ­unang salakayin ang 999 mall sa Meisic, Binondo.

Una umanong nagsagawa ng buy test ang mga tauhan ng SMaRT kung saan ibinebenta sa halagang P150-P200 ang kada isang N95 mask, gayung alinsunod sa retail price na inilabas ng Department of Trade Industry (DTI) ay P45 lamang dapat ito.

Habang ang surgical mask ay ibinebenta naman ng P25.00 sa halip na P4 lamang kada isa.

Dahil sa labis na pagtataas ng presyo ng pinakyaw na proteksyon sa nakakahawang sakit, limang Chinese national ng magkakatabing stall ang binitbit.

Bukod sa 999 mall, sinalakay din ng SMaRT at mga tauhan ng Bureau of Permits ang Wyler Pharma sa may Bambang, Sta. Cruz, Maynila kung saan nalaman na hindi ito awtorisadong magtinda ng mga mask. ­(Juliet de Loza-Cudia)