Naharang ng mga tauhan 9th Infantry Batallion (IB) ng Philippine Army ang tinatayang 2,500 board feet na Red Lauan lumber na isinakay sa isang Isuzu Forward Elf sa isang Quarantine Assistance Station (QAS) sa Brgy. Guilingan, Benito Soliven, Isabela noong Miyerkules.

Ayon kay 9th IB ng PA commanding officer Lt. Colonel Gladiuz Calilan, hindi madaling mapansin na kahoy ang karga ng truck dahil tinakpan ito ng mga sako ng mais.

Agad namang ipinasakamay ng kasundaluhan ang hindi na pinangalanang limang nahuling suspek, kasama ang driver ng truck sa pulisya habang nakatakdang i-turn over ang mga troso na walang kaukulang dokumento sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sinabi ni Calilan, galing sa bundok ng Sierra Madre ang mga illegal na kahoy at posibleng idinaan sa ilog bago ito tinangkang ibiyahe at naharang sa checkpoint. (Allan Bergonia)