Nais ni Senador Sonny Angara na mas mapagaan pa ang gastusin ng mga magulang ng mga estudyante.
Ito ay sa pagsusulong ng senador ng 5% na diskuwento sa mga restaurant, mga gamot, textbook at school supply ng mga mahihirap na estudyante sa lahat ng antas.
Binigyan-diin ni Angara na sa kabila ng implementasyon ng Free College Education Law at pagpapalawig ng scholarship system, marami pa ring mahihirap na pamilya ang nabibigatan sa dagdag na gastos sa edukasyon ng mga bata.
“Ginagawa po natin ang lahat para masigurong wala nang dahilan para hindi makapagtapos ng pag-aaral ang ating mga anak sa pamamagitan ng mga batas na ating nagawa at kasalukuyang isinusulong,” saad ni Angara.
Sa Senate Bill 134, sinabi ni Angara na sasaklawin ng diskuwento ang mga mahihirap na elementary, high school at college student, kasama na ang mga naka-enrol sa mga technical-vocational institution.
Ito ay kasunod na rin ng impormasyon mula sa Commission on Higher Education na 30-40 % lamang ng gastos ng pamilya sa edukasyon ang matrikula.