5 DRUG SUSPECTS PATAY SA MAYNILA

Limang pinaniniwalaang drug suspects ang sunud-sunod na bumulagta sa serye ng anti-drug operation na ikinasa sa lungsod ng Maynila ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) habang nasa kasagsagan ang pagbuhos ng ulan.

Ayon kay Police Senior Insp. Rommel Anicete, hepe ng MPD-Homicide Section, unang napatay ng mga opera­tiba ng MPD-Police Station-10 ang mga suspek na sina Arnold Malinao, 43, miyembro ng Sputnik gang; at Romano Magundayao, 32, waiter, kapwa taga-1539 Fabie St. Paco, Maynila.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Jonathan Bautista ng MPD-HS, naganap ang insidente dakong alas-5:45 ng hapon sa bahay ng mga suspek.

Nabatid na nagsagawa umano ng buy-bust opera­tion sina PS/Insp. Jojo Sanguit kung saan umaktong poseur buyer si PO1 Emerson Layug.

Nasa unang palapag umano ng tirahan ng mga suspek ang mga awtoridad pero nakahalata si Malinao dahilan para tumakbo ito paakyat sa bahay na hinabol naman ng mga pulis.

Pagpasok sa kanilang unit na nasa ikaapat na palapag nang paputukan umano ni Magundayao si SPO2 Luis Conderes ng kanyang .45 kalibreng baril habang tangan sa kabilang kamay ang isang granada dahilan para barilin ito ni SPO2 Dennis Insierto na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Dakong alas-11:20 ng gabi naman nang mapatay ng mga operatiba ng MPD-PS 2 si Gallardo Pascual, 40, ng 3281 Int. 18 S. Teodoro St. Matang-tubig, Tondo, Maynila.

Pinaputukan pa umano ni Pascual ng kanyang .357 magnum si PO1 Greggie Bueno na umaktong poseur buyer nang makahalata na pulis ang katransaksiyon pero hindi ito tinamaan dahil nakakubli at nang gumanti ay tinamaan si Pascual.

Samantala, napatay ng mga operatiba ng MPD-PS 6 sina Alvin Malinao, 39,taga-20 Sitio Bazar, Lambac, Mabitac, Laguna at Gaerlan Makahilig, taga-1716 Road 1, Bagong Sikat, Punta Sta. Ana, Maynila nang man­laban makaraang isilbi ang inisyung search warrant sa bahay ni Makahilig.

Papasok na sa bahay sina PO2 Princeton Felea nang barilin ni Comia kaya gumanti ng pu­tok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa.