Marami ang nagtatanong sa LEVEL UP kung ano pa ang susunod na 5 laro sa electronic sports o eSports na pag‑lalabanan sa unang pagkakataon bilang regular sports sa 30th Southeast Asian Games.

Maliban po sa ibinigay sa ating ideya na isasagawa ang 2 personal computer game, 2 sa console at 2 sa mobile ay wala pa pong partikular na mga laro ang inihayag ng nag-oorganisang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).

Ang Mobile Legends:­ Bang, Bang ang isa sa pangunahing­ kinukunsidera sa 6 na paglalabanang gold medal sa eSports dahil kabilang ito sa mga larong binuo ng unang nakapareha ng PHISGOC na Moonton.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa na nakikipag-usap ang PHISGOC at Team Razer, na siyang pakana sa torneo at bubuo sa paglalabanang lugar na tinawag nitong e-coliseum, kung alin sa mga popular na laro ang kanilang isasali sa eSports sa SEA Games.

Umaasa din ang Razer at PHISGOC na posible pang madagdagan ang bilang ng mga laro sa pinakahuling dayalogo ng mga namamahala sa kada dalawang taong torneo na SEA Games Federation.

Ang Pilipinas ang pinakauna at agad na nagsagawa na gawing regular medal event ang eSports habang gagawin na din ito bilang official medal sport sa 2022 Asian Games sa Hangzhou, China. Una na itong isinagawa bagaman isa lamang demons­tration sports sa nakalipas na 2018 Asian Games sa Indonesia.

Aabangan natin ang limang iba pang sports na isasagawa sa 30th SEA Games at agad natin ilalabas dito.