Humantong sa ospital ang limang estudyante na galing sa birthday party matapos na maputukan ng shotgun ng security guard ng Metropolitan Medical Center sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi.
Sa naturang ospital na rin nilapatan ng lunas ang mga biktima na edad 13 at 14-anyos at mga nakatira sa Tondo. Nasa ligtas na kundisyon na ang mga biktima.
Tumakas naman ang suspek na kinilalang si Abel Musiba, security guard ng Elite Force Security na nakatalaga sa nasabing pagamutan at residente ng 092 Block 1 sa Dubai, Baseco Compound, Port Area, Maynila.
Ayon kay Senior Inspector Anthony Co, hepe ng Padre Algue Police Community Precinct, galing umano sa birthday party ang mga biktima dakong alas-11:45 ng gabi at magkakasabay na naglakad pauwi.
Nag-shortcut ng daan ang mga biktima sa loob ng compound ng Metropolitan Medical Center, mula sa Masangkay hanggang sa exit gate sa Mayhaligue Street, pero hinarang sila at hindi pinadaan ng suspek.
Hawak umano ni Musiba ang shotgun nang aksidenteng makalabit nito at pumutok. Tumama ang bala sa semento at nagtalsikan ang mga pellet nito sa limang estudyante.
Naitawag ang insidente sa Padre Algue Police Community Precinct at rumesponde sina PO1 Lawrence Natividad at PO1 Jason Presbelero pero nakatakas na si Musiba.
Inabutan ng mga pulis ang kasamang guwardiya ni Musiba na si Juneryl Piedad at ito ang binitbit ng pulisya dahil sa pagpayag umano na makaalis ang suspek.
Sinampahan ng kasong “illegal discharge of firearm with 5 counts of slight physical injury” si Musiba habang obstruction of justice naman ang isinampa laban kay Piedad.