Hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang limang dating pulis na inakusahan ng kidnapping at robbery sa isang negosyanteng babae na natagpuan kalaunan ang bangkay sa loob ng isang selyadong steel drum na itinapon sa Pasig River noong 2016.
Inatasan din ng Las Piñas Regional Trial Court ang mga akusadong sina Police Lt. Elgie Jacobe, Pat. Marc Jay de los Santos, Pat. Edmon Gonzales, Empire Salas, at Leoncio Balanquit na bayaran ang mga naulila ng biktimang si Adora Lazatin ng aabot sa P395,000 halaga para sa civil indemnity, moral damage, exemplary damage at actual damage.
Matatandaang inaresto ang mga akusado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa aktong magwi-withdraw sana sa ATM account ng biktima.
Ikinatuwa ng isang NBI agent ang hatol na iginawad ng korte laban sa limang akusado dahil isa aniya ito sa mga kasong inimbestigahan ng may 100 ahente ng ahensya na nagsagawa pa ng magkakasabay na pagmo-monitor sa mga ATM machine sa iba’t ibang lugar para lamang masukol ang mga ito. (Nancy Carvajal)