5 faith healer nagpapako sa krus sa Bulacan, 15 sa Pampanga

Tulad ng inaasa­han, muling dinumog ng libo-­libong lokal at banyagang turista gayundin ng mga deboto ang dalawang pangunahing atraksyon tuwing Semana Santa sa Paombong, Bulacan kung saan limang faith healer ang nagpapako sa krus bilang bahagi ng kanilang taunang pa­nata tuwing sasapit ang Biyernes Santo, habang labing-limang iba pa ang nagpapako din sa krus sa dinarayong religious site sa Pampanga.

Halos hindi mahulugan ng karayom ang paligid ng Sto. Cristo Chapel sa Barangay Kapitangan, Paombong sa dami ng mga nais sumaksi sa pagpapako sa krus ng limang pamosong albularyo.

Unang ipinako ng limang pulgadang pasadyang pako na ibinabad nang halos isang buwan sa alkohol at gabi-gabing dinadasalan si Efren Balines na tumagal nang halos anim na minuto bago isinunod sina Ka Badji, Loren Balines, Precy Valencia at alias Roger.

Ang limang nagpapakong albularyo ay nagsabing bahagi na ng kanilang taunang pa­nata ang pagpapako sa ipinasadya nilang krus na kahoy tuwing katanghalian ng Biyernes Santo.

Nagsimula ang pagpapapako sa krus ng mga kilalang faith healer na ito bandang alas-11:00 ng tanghali at natapos ito bago mag-ala-una ng hapon habang dinayo din ng mga deboto ang binasbasang langis na ipinanglinis sa imahe ng Sto. Cristo ng nasabing kapilya.

Ang langis na pinipilahan sa Sto. Cristo chapel ay sinasabing mabisang pamahid sa iba’t ibang uri ng sakit at mas epektibo ito base sa lalim ng iyong paniniwala.

Sinabi pa ng mga faith healer na nagpapako sa krus na wala pang isang araw ay mabilis na naghihilom ang kanilang mga sugat sa kamay at paa at lalong nagiging mabisa ang kanilang panggagamot sa mga may karamdamang dumadayo pa sa kanilang mga tirahan.

Bukod sa kapilya ng Kapitangan, dinadayo din ng mga deboto ang Grotto Shrine sa San Jose del Monte City, Divine Mercy sa bayan ng Marilao at maging ang Banal na Bundok sa San Miguel, pawang sa Bulacan kungsaan bagama’t inulan ang prusisyon sa iba’t ibang bayan sa probinsya nitong Biyernes Santo ay naging maayos naman ito.

Samantala, 32 taon nang nagpapako sa krus si Ruben Enaje bilang bahagi ng kanyang taunang panata tuwing Biyernes Santo, sa dinadagsa ding Barangay San Pedro Cutud sa San Fernando City, Pampanga.

Kasama nito ang walong iba pang deboto habang dalawa naman ang nagpapako sa Barangay Sta. Lucia, isa sa Barangay San Juan, pawang sa San Fernando City, Pampanga habang may tatlo ding nagpapako sa Bacolor sa naturang lalawigan.

Naging maayos naman ang prestihiyosong lugar na pinagdausan ng pagpapako sa krus ng mga albularyo at deboto dahil sa dami ng nakabantay na kapulisan, katuwang ang mga barangay tanod at iba pang force multipliers na tumulong para maging tahimik at ligtas ang Semana Santa sa Bulacan, Pampanga at iba pang bahagi ng Central Luzon.