Nahaharap sa kasong theft ang limang lalaki matapos mabuking sa pagpuslit ng walong kahon ng kaka-deliver pa lang na isda sa pamilihang bayan ng Marikina kamakalawa.

Nakilala ang mga suspek na sina Rody Ipio, Erick Rigala, Renan Sioco, Rodel Sioco at Antonio Santos, pawang mga nasa hustong gulang at nakikitang tambay ng nasabing pamilihan.

Batay sa report, nagsampa ng reklamo si Teresita Sta. Ana sa Marikina Police matapos mahuli ng mga tao sa palengke ang ginagawang pagpuslit ng mga suspek sa kaka-deliver pa lang na in-order na isdang pambenta sa palengke bandang alas-10:00 ng umaga sa Jay Ar and Anna Fish Stall sa E. Dela Paz St., sakop ng Barangay Sta. Elena, Marikina City.

Ayon sa biktima, abala sila sa mga bumibili nang mapansin ang palihim na pagpupuslit ng mga suspek sa kahon-kahong isda na nailagay na sa kanilang trak.

Agad na nagtulong-tulong ang mga tao sa pamilihan at nakorner ang mga suspek, kasabay ng pagresponde ng mga pulis.