5 kampeon babalik sa 8th LGR Hoops

Babalik ang limang kampeon sa nakalipas na taon sa LGR Hoops Season 8 2020 na magsisimula sa Pebrero 22 sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong na may mahigit 50 mga koponan ang kalahok.

Magtatanggol ng titulo rito ang PNB Savings Bank, Colmax Collagen, CW Green, TBD at Royal Manila.

Sasalang ulit ang PNB Sa­vings Bank, ang koponan ni Lucio ‘Bong’ Tan Jr., sa liga upang magpugay sa kanilang yumaong businessman/sportsman sa nakalipas na taon.

Kasalukuyang kampeon ang Bankers sa corporate division sa event na mga susuportahan ng Zarks Burger, Ascorbic Acid Poten-Cee, Stonehill Suites, Gatorade, Agent Snake, Ybalai Builders, D & D Media Photography, Exile at SYF.

Hari naman sa 5-foot-8 and below division ang Royal Manila habang ang TBD ang may hawak ng titulo sa Novice category. Magdedepensa rin ang CW Green sa Neophyte at Colmax Collagen para sa Icon.

Ang LGR Hoops ang naging tahanan na ilang celebrity ballers kagaya nina Nyoy Volante at Boom Labrusca. Maski ang mga ex-collegiate at commercial league players ay nasa weekend lumalaking lingguhang panlibangang ligang ito. (JAT)