Sunod-sunod na tumumba ang umano’y dalawang drug pusher at tatlong holdaper matapos manlaban sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), nitong Biyernes ng mada­ling-araw.

Kinilala ni QCPD Director Police Brig. Gen. Ronnie Montejo, ang napatay na pusher sa mga alyas lang na Ojak at John.

Sa inisyal na ulat, ala-1:30 ng madaling-araw (Enero 31) nang maganap ang insidente sa Quail St., Area 2, Sitio Veterans, Brgy. Bagong Sila­ngan, QC.
Ayon kay Batasan Police Station 6 commander Police Lt Col. Romulus Gadaoni, nagsagawa ng buy-bust operation ang kanyang mga tauhan laban sa mga suspek subalit sa kalagitnaan ng transaksiyon ay nakatunog ang mga ito dahilan upang maganap ang shoot-out na ikinasawi ng dalawa.

Narekober sa napatay na mga suspek ang isang caliber 38 at caliber .45 na ginamit ng mga ito sa pakikipagbarilan sa mga awtoridad.

Makalipas ang ilang oras, napatay naman ng mga tauhan ng Eastwood Police Station 12 ang tatlong holdaper makaraang manlaban din ang mga ito.
Sa report kay Police Station 12 commander Police Lt. Col. Melchor Rosales, alas-tres ng madaling-araw nang mangyari ang engkuwentro sa Obrero St., Brgy. Bagumbayan.

Nauna rito, hinoldap ng tatlo si Fe Buenaventura, 32, at isang 15-anyos na binatilyo na nasamsaman ng cash.

Habang papatakas ang mga suspek ay nagsisigaw ang mga biktima at humingi ng tulong sa noo’y nagpapatrolyang mga awtoridad sakay ng police mobile number QC-243.

Hinabol nila ang mga holdaper subalit pinaputukan ang pulis ng mga suspek dahilan upang gumanti ang mga pulis na ikinasawi ng tatlo. (Dolly Cabreza)