Magkasunod na itinumba sa drug bust operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang dalawang pinaghihinalaang drug pushers sa magkahiwalay na operasyon, kamakalawa ng gabi sa Maynila.
Sa ulat ng MPD Police Station 7, halos limang minuto lang ang pagitan bago napatay si Reynaldo Razon Jr., 39, at taga-1447 Juan Luna St. Tondo, Maynila.
Lumalabas na alas-10:25 ng gabi nang isagawa ang buy-bust sa bahay ng suspek pero nakahalata ang suspek na undercover ang katransaksiyon.
Dakong alas-10:30 ng gabi naman napatay ng mga tauhan ng MPD Police Station-10, ang suspek na si Eduardo Salanova, 35, taga-Gonzales St. Pandacan, Maynila.
Kaagad umano bumunot ng baril ang suspek nang makatunog na pulis ang katransaksiyon.
Nakuha ng mga pulis ang .45 kalibre ng baril kay Razon at .38 kalibre naman kay Salanova, drug paraphernalias at siyam na sachet ng shabu.