5 na ayaw pahuli sa pulis, napatay

Bumulagta ang limang katao nang manlaban umano sa mga pulis na aaresto sa kanila sa magkakahiwalay na insidente sa Caloocan City, Ma­labon at Navotas kamakalawa hanggang kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Northern Police District, unang napatay ang isang nakilala pa lamang sa alyas na ‘Jopay’ at ang isa pa na inaalam pa ang pagkakakilanlan matapos inguso na siyang pinagkukunan ng droga ng naarestong drug user na si Arnold Toledo sa Hillcrest Subdivision, Camarin, Caloocan City.

Dakong alas-2:45 ng madaling-araw nang mapatay din ni PO3 Christopher Esto ang isa pang suspek na si Zaldy Alquiza, 36, ng Brgy. Bagong Silang, Caloocan City nang tangkain umanong agawin ang baril ng police escort na si PO1 Mark Merin habang sakay ng mobile car para isailalim sa inquest proceedings sa kasong illegal possession of firearms.

Pasado alas-otso ng gabi kamakalawa nang mapatay din ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs sa buy-bust operation ang magkapatid na sina Mar­qin, 24, at Mark Sta. Ana, 32, na pawang taga-Sapa St., Brgy. Panghulo, Malabon City.