Umaabot na sa 72 kasapi ng bandidong Abu Sayyaf­ Group (ASG) ang hawak na ng militar matapos ang pinakahuling pagsuko ng lima pang kasapi nito sa lalawigan ng Sulu.

Sa ulat ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander­ ng Joint Task Force Sulu, ang pinakahuling limang sumukong bandido ay mga tauhan ng kilalang ­dating Abu Sayyaf sub-leader na si Alhabsy Misaya na napatay sa operasyon ng militar.

Ang mga ito ay nagpasyang sumuko sa pamahalaan dahil sa takot sa patuloy na operasyon ng militar lalo na nang mapatay ang tinitingala nilang pinuno­ na si Misaya.

Kasama ring isinuko ng mga sumukong Abu Sayyaf­ ang tatlong long firearm at isang short firearm partikular sa tropa ng Philippine Marine Ready Force-Sulu.

Sa ngayon ay hindi pa inilabas ng opisyal ang pagkakakilanlan ng mga sumukong bandido na isinailalim sa processing at documentation.

Patuloy pa ring nananawagan ang Joint Task Force Sulu sa mga miyembro ng teroristang Abu Sayyaf na nakikipaglaban pa rin sa tropa ng pamahalaan na sumuko na rin habang may panahon pa silang makapagbagong-buhay kasama ng kanilang pamilya.­