Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang limang bilanggo na umano’y nakatakas sa Bureau of Jail and Penology (BJMP) sa Koronadal City, kahapon ng madaling-araw.

Isang malawakang manhunt operation ang inilatag ng mga awtoridad ng Koronadal City-PNP para maibalik sa kulungan ang mga puganteng sina Edgar Mariano Tiad, 42; Rosellito Delfin Casiles, 46; Christopher Punzalan Manalang, 38; Roel Gubaton Austria, 45 at Federico Sarayon Abaygar, 48; na pawang may mga kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Ayon sa report nangyari ang insidente dakong alas-dos ng madaling-araw matapos umanong lagariin ng mga inmates ang rehas na bakal ng kanilang selda hanggang sa makatakas ng hindi namamalayan ng duty officer.

Base sa nakalap na impormasyon nadiskubre nalang umanong wala na sa loob ng selda ang mga bilanggo makaraang magsumbong kay SJO4 Melburn Aujero ang isang Noel Tirado na umano’y nagduda matapos makita nito ng limang mga kala­lakihan na pawang may dalang bag galing sa loob ng BJMP compound.