Patay ang isang taxi driver na umano’y sangkot sa droga at nasa police drug watchlist matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang lala­ki kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Marlon Mahinay alyas ‘Aloy’, 37, nakatira sa No. 84, Pres. Quirino St., Barangay Extension South Signal ng naturang lungsod matapos itong magtamo ng limang tama ng bala sa ulo at katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), alas-7:10 ng gabi nang maganap ang insidente na malapit sa bahay ng biktima sa naturang lugar.

Nakatayo umano ang biktima nang biglang dumating ang suspect at pinagbabaril ang una na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang pamamaril sa biktima ay mabilis na tumakas ang suspect.

Ayon sa pulisya posibleng may kinalaman sa droga ang ginawang pamamaslang sa biktima dahil sangkot ito sa ilegal na gawain at ayon pa sa Taguig City police ay nasa kanilang drug watchlist ang biktima.

Patuloy naman nagsasagawa ng masusing im­bestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente at inaalam na rin ang pagkakilanlan sa sala­rin.