Sinampahan na ng Department of Justice (DOJ) ng kasong money laundering ang limang opisyal ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) na isinangkot sa $81 milyong cyber attack sa Bank of Bangladesh noong 2016.
Kabilang sa kinasuhan ng paglabag sa Anti-Money Laundering Act sa Makati Regional Trial Court ang mga opisyal ng RCBC Retail Banking Group (RBG) na sina RBG head Raul Victor Tan, National Sales Director Ismael Reyes, Regional Sales Director Brigitte Capiña, Customer Service Head Romualdo Agarrado at Senior Customer Relationship Angela Ruth Torres.
Nabatid na ibinasura ng DOJ ang motion for reconsideration ng mga akusado dahil sila umano ang naging instrumento kung bakit natanggal ang pansamantalang pagpigil sa apat na beneficiary account ng international inward remittances ng pondo na ninakaw sa Bank of Bangladesh, at ang pag-withdraw sa naturang pondo.
Sinabi ng DOJ na pinayagan ng mga nabanggit na opisyal ang transaksyon kahit pa may red flag ito.
Sinang-ayunan ng DOJ ang pahayag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-apply sa naturang kaso ang “willful blindness doctrine”.
Gayundin, ginamit ng DOJ bilang basehan ang mga naging desisyon ng Supreme Court kaugnay sa “willful blindness doctrine” partikular ang pagkabigo na imbestigahan ang pinaghihinalaang maling gawain sa kabila na alam nilang may mali sa ginagawa. (Juliet de Loza-Cudia)