5 sabungero arestado sa Parola

Inaresto ng mga awtoridad ang limang kalalakihan na sangkot sa iligal na tupada sa Parola Compound sa Tondo, Maynila sa kabila ng ipinatutupad na enhanced community quarantine Sabado ng tanghali.

Kinilala ni Lt. Col. Magno Gallora Jr., hepe Manila Police District-Station 2, ang mga suspek na sina Jise Gerry Quilator, 48; Reynaldo Francisco, 43; Gijainquit Bacordo, 49; Arnel Ganab, 35; at Sofronio Orquino, 49.

Nabatid na nakita ang mga nagkukumpulang kalalakihan na nagpupustahan sa iligal na tupada.

Kaagad na hinuli ng mga awtoridad ang dalawang manok na nagsasabong at pinagdadampot ang mga nagpupustahan.

Binitbit ang mga sabungero sa presinto at sinampahan ng kasong illegal gambling (cockfighting) sa Manila Prosecutor’s Office. (Juliet de Loza-Cudia)