Nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ilang matataas na kalidad ng pampasabog sa pangingisda makaraang mahuli ang lima katao sa Barangay Lamao, Limay, Bataan hapon ng Miyerkoles Santo.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Coast Guard Station Bataan, Coast Guard Intelligence Force, Coast Guard K9 Force, Coast Guard Special Operation Force, Coast Guard Legal Service at ilang student-lawyers ng Coast Guard Education and Training Command makaraang ikasa ang operation nang makatanggap ng report na positibo na may kargang pampasabog ang mga suspek.
Naaresto sina Analyn Leola San Miguel, 37-anyos; Oliver San Miguel, 35-anyos; Arthur Paguio, 44-anyos; Teresita Macapagal, 66-anyos at Marife dela Cruz, 24-anyos, pawang mga residente ng Bataan. (Vick Aquino)