Inaasahang isa-isa nang babagsak sa kamay ng mga awtoridad ang mga lumapastangan at walang awang pumatay at nanunog pa sa 22-anyos na bank employee na si Mabel Cama sa Pasig City kamakailan.
Napag-alaman ng Tonite sa isang kagawad ng Pasig City Police na nag-iimbestiga sa kaso na karamihan sa mga suspek ay pinaniniwalaang nakatira sa impounding area ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Ortigas Avenue Extension, Brgy. Rosario, Pasig City kung saan natagpuan ang inabandonang sunog na katawan ng biktima.
Una nang sinabi ng pulisya na hindi lang dalawa kung di posibleng lima ang kanilang ‘person of interest’ na kinabibilangan ng mekaniko, drayber, guwardiya at tambay.
Malaki rin ang hinala ng pulisya na naka-droga ang mga bumaboy sa bank employee at posibleng matagal nang minamanmanan ng mga adik na suspek si Mabel.
Si Mabel ay naninirahan sa impounding area dahil ang magulang nito na si Reynaldo Cama, 53-anyos ay auto electrician ng Mega Bus Line at nakatira sa nasabing compound.
Iginiit din ng nakapanayam na kagawad ng Pasig Police na hindi umano gagawin ang panghahalay at pagsusunog ng isang matino kaya malakas ang paniniwalang pawang nakadroga ang mga suspek.
Nauna rito ay sinabi ni Paracale, Camarines Norte Mayor Lourdes Briguera, may-ari ng Mega Bus line, na nangungupahan sa impounding area ng MMDA, na magbibigay siya ng pabuya sa makapagtuturo sa mga suspek.
Ayon naman kay P/S Insp. Roberto Garcia, Chief investigation division ng Pasig Police, patuloy pa rin ang kanilang masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga suspek.
Hindi naman matanggap ng pamilya ng biktima ang sinapit ng kanilang panganay na anak na nakatutulong ng malaki sa kanila dahil siya ang tumatayong bread winner dahil sa may maayos na trabaho sa bangko. Matatandaang ang bangkay ng biktima ay natagpuan bandang alas-12:20 noong linggo ng tanghali na sunog ang katawan, walang saplot at posibleng ginahasa saka inabandona sa isang bakanteng bahay.