Limang taon. Ganun kahaba bago naputol ng University of the Philippines ang kamalasan kontra Far Eastern University.
Namayani ang Lady Maroons kontra Lady Tamaraws 25-18, 20-25, 25-22, 25-20 sa ikalawang laro ng UAAP Season 81 women’s indoor volleyball tournament elims Miyerkoles ng gabi sa The Arena-San Juan.
“FEU is a good team, they keep on changing tactics and that gave us a lot of challenge. It was a good win and we hope that we continue with it in the next games to come,” litanya ni UP coach Godfrey Okumu.
Nanguna para sa UP sina team skipper Dianma Mae ‘Tots’ Carlos na may 15 points tampok ang 12 attacks at 3 aces, Justine Dorog na bakas ng 12 pts. at Isa Molde na naka-11 markers.
Huling nanaig ang Peyups kontra sa Morayta-based volleybelles noon pang Pebrero 9, 2014 habang nasa Diliman pa sina Kathy Bersola, Nicole Tiamzon at Pia Gaser.
Angat sa 2-0 kartada ng State U samantalang bagsak sa 1-1 ang Lady Tams.
Maganda ang palitan ng mga atake mula sa parehas na koponan. Tumindi ang laban nang gumawa ng isang mini-run ang FEU para sa 24-18 lead sa fourth set bago ang pag-angas ni Molde na kinatuliro ng mga karibal.
Sunod na makakarahap ng mga balibolista ng Katipunan ang University of Santo Tomas Golden Tigresses sa Linggo, Pebrero 24 sa parehong venue.