5 teenager nagnakaw ng pabango sa Greenhills

Arestado ang limang menor de edad matapos mabuking sa pagnanakaw ng mamaha­ling pabango na kanilang inumit mula sa showcase ng stall sa loob ng Centermall Tiangge Greenhills Shopping Center, Barangay Greenhills, San Juan City kamakalawa ng gabi.

Sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), unang inaresto ng guwardiya ang isang 17-anyos na binatilyo matapos mabuking ang ilang bitbit na mamahaling pabango.

Nang madakip ay inamin ng suspek na may mga kasama siya. Nakorner naman agad ang apat nitong kasapakat na nasa edad 16 at 17-anyos habang ang isa ay 18-anyos na stall assembler at nagtatrabaho sa isang stall sa mall.

Inaresto ang grupo alas-6:38 Miyerkoles ng gabi nang ireklamo ni Jade Jaranilla y Alegato, 48, na nakabukas ang polysack cover na nakatakip sa showcase ng kanilang mga pabango.

Agad namang nahuli­ ang mga suspek at nabawi ang mga ninakaw na mamahaling pabango na nagkakahalaga ng Php 260,000.00

Kabilang dito ang Bulgari pour Homme Extreme, Tomford Black at Velvet Orchid, Tomford Neroli Porlofino, Lacoste Touch of Pink, Hermes De Monsier, Narciso Rodriguez for her, CK IN 2U at iba pa.

Dinala ang mga Children in Conflict with the Law (CICL) na may kasong theft sa pangangalaga ng City Social Welfare and Development (CSWD). (Vick Aquino)