Nasakote sa follow-up operation ng mga pulis ang limang kalalakihan na sangkot sa panloloob sa isang grocery store sa San Jose del Monte City, Bulacan kamakalawa.

Base sa report ng tanggapan ni Bulacan provincial police director Col. Lawrence Cajipe, nakilala ang limang robbery suspect na sina Noriel Nicanor y Torina alyas `Whatsmi’, Cashner Philip Eisma y Polilio, Juvel Belua y Cabelen alyas `Ateng’ at `Kulot’, Jeffrey Yanon y Pililio, at isang 16-anyos na binatilyo na pawang nakapiit ngayon makaraang looban ang isang grocery store.

Nabatid na inaresto ng pinagsanib na mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Provincial Intelligence Branch ang limang suspek sa follow-up operation matapos looban ang Flying Grocery Store sa Brgy. Narra, San Jose del Monte City.

Hindi pa mabatid kung magkano lahat ang halaga ng mga pera, alahas at personal na kagamitan na kinulimbat ng mga suspek.

Nahulihan din ang mga suspek ng apat na caliber .38 revolver, 19 na bala, apat na Granada at narekober din ang isang Yamaha Mio na may plakang 3774 TH. Kabilang pa sa mga narekober sa kanila ang isang kahon ng alak, tatlong unit ng CCTV camera, isang CCTV monitor, apat na cellphone, at dalawang bote ng body spray. (Jun Borlongan)