Limang kalalakihan kabilang ang dalawang Muslim na mga sangkot umano sa pagtutulak at paggamit ng droga ang magkakasunod na itinumba ng hindi pa nakikilalang mga riding-in-tandem sa Taguig, Parañaque at Makati City, base sa ulat kahapon.
Sa report ni Supt. Jenny Tecson, hepe ng Public Information Office (PIO) ng Southern Police District (SPD) sa Taguig City, kinilala ang mga biktimang sina Modriae Kamid at Dipatuan Sayutin, pawang nasa hustong gulang at nagtamo ng mga tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyon ng Taguig City Police, dakong alas-2:45 kahapon ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima ng ilang residente sa Tanyag St., Brgy. South Signal ng naturang lungsod.
Agad itong itinawag sa himpilan ng Police Community Precinct (PCP) 4, Taguig City Police at base sa record nila, kilalang tulak at gumagamit ng droga ang mga biktima at nasa kanilang drug watchlist.
Sa report naman na natanggap ni Senior Supt. Jose Carumba, hepe ng Parañaque City Police, dakong ala-1:45 kahapon ng madaling-araw nang pagbabarilin sina Joshua Montes Tan, 22, binata at Jay Cordova Gelizon, 31, malapit sa tinitirahan sa Kumpol 1, 59 Sitio Santo Niño, Brgy. San Martin De Porres ng naturang lungsod habang naglalaro ng bilyar, ng dalawang hindi kilalang kalalakihan na naka motorsiklo. Dead on the spot sina Tan at Gelizon.
Agad tumakas ang mga suspek at sa record ng Parañaque City Police, sangkot sa droga ang mga nasawi.
Alas-nuwebe kamakalawa ng gabi ay pinagbabaril naman si Efren Neri, nasa hustong gulang, ng 27-H, Lapu-Lapu St., Brgy. West Rembo, Makati City ng hindi nakilalang kalalakihan na riding- in-tandem. Kaagad na binawian ng buhay si Neri.
Iniwan sa bangkay nito ang karatulang nakasulat ang “drug pusher ako, wag tularan”.
Blanko pa rin ang pulisya sa mga pagkakakilanlan ng mga suspek at patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa sunud-sunod na pamamaril sa mga biktima.