5 tulak timbog sa Pasay

Nagwakas ang pagtutulak ng iligal na droga ng limang drug pusher, kabilang ang magkapatid, matapos silang madakip sa magkakahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Pasay City kamakalawa ng gabi.

Umabot sa 14 na piraso ng plastic sachet na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng 31.78 gramo na katumbas ng halagang P216,104 ang nakumpiska ng pulisya sa magkapatid na Anthony, 46 at Janice Martinez, 39.

Nadakip sila ng mga tauhan ng Pasay Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) dakong alas-11:40 ng gabi sa harapan ng kanilang tirahan.

Ayon kay SDEU chief P/Capt. Deni Mari Pedrozo, kapwa kabilang sa kanilang drug watch list ang magkapatid na lubhang maingat sa iligal nilang operasyon hanggang tuluyang kumagat sa kanilang pain.

Arestado rin si Victor Villanueva, 44, nang pagbentahan ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-10:20 ng gabi sa tinutuluyang bahay sa Brgy. 14 Zone 1.

Nakumpiska sa kanya ang P500 markadong salapi na ginamit sa buy-bust, at apat pang plastic sachets ng shabu na tumitimbang ng 9.51 gramo may katumbas na halagang P64,668.

Nauna rito, nagkasa ng operasyon ang SDEU laban kay John Brian Santy, 31, ng 125 Humildad St. Brgy 14 na ilang araw ng tinutugaygayan ng kapulisan matapos mapabilang sa drug watch list.

Dakong alas-8:30 ng gabi nang pagbentahan ni Santy, kasama ang kasabuwat niyang si Michael Yulo, 46 ng Merry Land Homes I San Pedro, Laguna, sa harap ng kanilang bahay ang isang tauhan ng SDEU na nagpanggap na buyer ng halagang P500 ng shabu na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.

Nakuha sa kanila ang kabuuang apat na sachets na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng 9.20 gramo na nagkakahalaga ng P62,000, pati na ang markadong salapi. (Edison Reyes)