5 UBOS SA BUY-BUST

Nasawi ang may limang lalaking hinihinalang mga ‘drug pushers’ habang arestado ang lima pa sa magkakahiwalay na buy-bust operation, kamakalawa ng gabi hanggang kahapon ng mada­ling-araw sa Maynila.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-homicide section, kinilala ang mga nasawi na sina alyas Jeffrey, nasa pagitan ng edad 25-20; Jalid Dimiano, alyas ‘Jalid Muslim,’ 31, ng Golden Mosque, Sta. Cruz, Maynila; alyas ‘Muklo Salic,’ nasa edad na 20-25; alyas ‘Hussein,’ 20-25 anyos at Albi­gar Garzola, alyas ‘Nonoy Alba,’ 28, ng 1242 Sto. Niño Street, Tondo.

Kinilala naman ang mga naaresto na sina A­nthony Roque, 36; Raymond Remorosa, 23, laborer; Jerry Montezon, 35, pedicab driver; L­eoncio Bacarisas, 50; pa­wang residente ng Tondo, Maynila Jocelyn Abiscia, 42, ng 1854 Interior Dapo Street, Pandacan, Manila, na sinasabing No. 2 most wanted drug personality ng Manila Police District (MPD)-Station 10 (Pandacan).

Napatay si Garzola ng mga tauhan ng SAID-SOTU ng MPD-Station 1 (Raxabago) dakong alas-10:40 ng gabi kamakalawa sa Lacson Street kanto ng Pacheco Street sa Tondo; sina alyas Jeffrey at Dimiano, ay napatay naman dakong alas-10:50 ng gabi kamakala­wa sa McArthur Bridge sa Sta. Cruz ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Opera­tions Task Unit (SAID-SOTU) ng MPD-Station 11 (Binondo); habang sina alyas Muklo Salic at alyas Hussein ay napatay ng mga tauhan ng SAID-SOTU ng MPD-Station 3 (Sta. Cruz) dakong alas-1:40 ng madaling-araw kahapon sa Rizal Avenue, corner Remigio Street sa Sta. Cruz.

Ang mga suspek ay pawang nanlaban sa ope­ratiba ng MPD sa buy-bust operation kaya’t napatay ang mga ito.

Nakumpiska sa mga nasawi at mga naaresto ang ilang sachet ng shabu, mga baril, motorsiklo at marked money.