5-year validity ng driver’s license, pamasko sa mga driver

arturo-tugade

Bago matapos ang taong 2016, matatanggap na ng mga driver sa buong bansa ang renewal ng kanilang lisensiya ng may 5-year validity.

Ito ang tiniyak ni (Department of Transportation (DOTr) Secretary Arturo Tugade kay Senate Mino­rity Leader Ralph Recto nang humarap ito sa public hearing ng Senate committee on public services hinggil sa emergency power bill.

Ayon kay Tugade, sa susunod na buwan nila ilulunsad ang five-year driver license sa Metro Manila.

Hiniling ni Recto kay Tugade na sana’y madaliin ang pagbibigay ng 5-year drivers license sa iba’t ibang panig ng bansa dahil ang karamihan ng mga driver ay nasa probinsiya o 75% ng kabuuang driver sa buong bansa.

Inusisa pa ng senador kung bakit hindi magawa ng Land Transportation Office (LTO) ang sabayang implementasyon ng programa.

“Kasi ho ang kinaka­ilangan d’yan ‘yung tekno­lohiya kung saan alam natin na ‘yung sistema ng LTO at LTFRB ay kaakibat ‘yung Stradcom. Bago ka gumalaw ng figures or data sa Stradcom system, kailangan ng usapan ‘yan,” paliwanag ng kalihim.

Matatandaan na ang Stradcom ang private contractor na siyang nagdi­senyo at nag-operate ng computer at IT system na ginagamit sa pag-isyu ng drivers’ license subalit pinutol ng Aquino administration ang kontrata nila kaya’t naghain sila ng kaso at pinagbabayad ang gobyerno sa kanilang pagkakautang.