50% sa taxi operation pinatay ng TNCs/TNVS

Kalahating porsiyento ng taxi operations ang ‘pinatay’ ng Transport Network Companies (TNCs) simula nang mag-operate ang mga ito noong 2015 dahil umaabot na umano sa 114,000 ang namamasadang Transport Network Vehicle Services (TNVS).

Ito ang isiniwalat ni Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe sa pagdinig ni Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento, chairman ng House committee on transportation sa mga panukalang bigyan ng prangkisa ng Kongreso ang operation ng TNC at TNVS.

Dahil dito, sinabi ni Sarmiento na bilang mga mambabatas, nararapat lamang na magkaroon ng regulasyon sa maka­bagong transport system na ito, para na rin sa proteksyon ng kanilang mga pasahero.