500 katao magdo-donate ng dugo sa Bulacan

500 katao magdo-donate ng dugo sa Bulacan

Patuloy sa pangangalap ng dugo ang Damayang Filipino Movement, Inc. (DFMI) sa pangunguna ng tagapagtatag nito na si Gob. Daniel Fernando sa malawakang Mobile Blood Donation na gaganapin sa Hulyo 26, 2019, ganap na alas-otso nang umaga hanggang alas-tres nang hapon na inaasahang dadagsain ng 500 katao sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City.

Kabilang ang bloodletting sa mga proyekto ng DFMI, isang non-government organization, na naglalayong tulungan ang mga Bulakenyong higit na nangangailangan na makaahon sa kahirapan at malunasan ang karamdaman.

“Atin pong pinahahalagahan ang buhay at halaga ng dugo sa pagsagip ng buhay, kaya naman sa mahabang taon ay ating tuloy-tuloy na isinasagawa ang boluntaryong pagdo-donate ng dugo,” ani Fernando.

Hinihikayat din ng punong lalawigan ang mga empleuado ng Bulacan gayundin ang mga kawani sa nasyunal at lokal na ahensiya, mga boluntaryo at iba pang Bulakenyo mula sa iba’t ibang sektor na magkaloob ng dugo at makatulong sa pagsagip ng buhay.

Katuwang din ng DFMI sa nasabing aktibidad ang Department of Health Region 3 at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Health Office-Public Health at Bulacan Provincial Blood Center.

Ang PHO-Public Health ang mamamahala sa pagsasagawa ng physical examination at assessment ng may 500 inaasahang boluntaryong magbibigay ng dugo. (Jun Borlongan)