$500M pautang ng World Bank para sa mga LGU

Nangako si Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar ng tulong sa mga governor at mayor para palakasin ang kanilang agricultural extension system matapos ma­ngako ang World Bank na pauutangin nito ang Pilipinas ng $500 mil­yon para dito.
Ayon kay Dar kahapon, magbibigay na ng insentibo ang kanyang tanggapan sa mga probinsiyang magpapalakas ng kanilang agricultural extension system para umayos ang agriculture and fishe­ries extension systems na mga lalawigan dapat ang nagsusulong.
Noong isinabatas ang Local Government Code ay napunta na sa mga local government unit (LGU) ang ilang responsibilidad na ginagawa noon ng mga kagawaran. Halimbawa, nawala na ang kontrol at superbisyon ng DA sa mga provincial o municipal agriculturist o veterinarian at ipinailalim na sila sa mga go­vernor at mayor na hindi naman lahat ay bihasa o marami ang kaalaman sa agrikultura.
Humingi na rin kahapon ng tulong si Dar sa mga pamahalaang lokal, mga magsasaka at mangingisda para maayos ang problema ng bansa sa agrikultura.(Eileen Mencias)