Umapela ang 51 babaeng Chinese national na naisalba ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa isang ‘prostitution den’ sa Parañaque City kamakailan na mai-deport na sila pabalik ng China.
Ito ay base sa ipinadalang liham ni Atty. Enrico Papio, abogado ng mga babaeng Tsino sa Bureau of Immigration.
Noong Oktubre 10, 2019 ay hiniling ni Papio kay BI Commissioner Jaime H. Morente na maiuwi na ang kanyang 49 kliyente sa pamamagitan ng ‘voluntary deportation’ upang makapiling ang kanilang pamilya.
Nilinaw ni Papio na ang dalawa sa 51 Intsik ay pino-proseso na ng isa ring abogado kaya 49 na lang ang kanyang kinakatawan.
Una nang pormal na hiniling ni Vicente Gregorio Tomas, Regional Director ng DSWD-National Capital Region, kay Morente noong Setyembre 26, 2019 na kunin na ng Immigration ang kostudiya ng 51 babaeng Chinese national na nasa pangangalaga ng DSWD-NCR Haven for Women.
Ang mga nasabing biktima ay inilagak sa Haven for Women.
Magugunita na Setyembre 18, 2019 nang salakayin ang Manila Wellness Spa sa Diamond Tower sa Roxas Boulevard, Brgy. Baclaran, Parañaque City kung saan naisalba ang 51 Chinese na pawang biktima umano ng human trafficking. (Juliet de Loza-Cudia)