Nasa 52 na indibidwal kabilang ang anim na sangkot sa iligal na droga ang naaresto ng mga tauhan ng Pasay City Police sa magdamagang Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Ope­ration (SACLEO) sa lungsod.

Sa report ni P/Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, kinilala ang anim na suspek na sina Violeta Merano, 45 (listed in Drug Watchlist), dalaga; Eduardo Caraquil, 48, construction worker; Rodolfo Ayuda JR. 39; Paul Ryan Ronquillo, 40; Rodolfo Mendez Jr., 35 , caretaker at Michael Gines, 39, jobless, pawang taga-Pasay City.

Sinabi ni Yang na ang anim na suspek ay pawang nasa drug watch list ng barangay at pulisya.

Nakumpiska sa mga ito ang apat na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang droga at mga drug paraphernalia.

Bukod sa anim ay nasa 11 pang drug suspect ang nadakip, 32 na lumabag sa city ordinance, isang lalaki na may dalang patalim at 1 pa na may kasong estafa.

Alas-otso kamakalawa nang gabi hanggang kinabukasan ng alas-singko ng umaga nang isagawa ang operation. (Armida Rico)