53-anyos na Pulis, Kolehiyala niratrat sa motel

barilan

Dead-on-the-spot ang isang 53-anyos na pulis habang kritikal ang kasama niyang 20-anyos na dalaga makaraang pagbabarilin sila ng dalawang lalaki sa compound ng isang motel sa Pasig City noong Huwebes ng gabi.

Parehong nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktimang sina SPO2 Ernesto Sanchez at Josebel Polo.

Nakatalaga si Sanchez sa District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District habang si Polo ay sinasabing isang estudyante na nakatira sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City.

Sa inisyal na ulat ng Pasig City Police, naganap ang pamamaril dakong alas-11:20 ng gabi sa compound ng Country Lodge motel na matatagpuan sa Danny Floro St., Brgy. Oranbo kung saan pumasok ang mga biktima sakay ng puting Toyota Fortuner upang diumano’y mag-check-in.

Subalit hindi pa nakakababa ng sasakyan ang mga biktima ng dumating ang isang kulay itim na Toyota Revo na may plakang XAY 567 sakay ang dalawang suspek na armado ng armalite at shotgun. Agad na lumapit ang mga suspek sa sasakyan ng mga biktima at niratrat ito.

Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang mga suspek lulan pa rin ng kanilang sasakyan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, pagkapasok ng sasakyan ng mga biktima sa bisinidad ng motel ay nakasunod na ang mga suspek. Tinutukan at dinisarmahan ng mga suspek ang security guard na naka-duty pagkatapos ay pinuntahan ang sasakyan ng mga biktima at pinagbabaril ang mga ito.

Dinala sa Rizal Medical Center ang mga biktima subalit wala nang buhay si Sanchez pagdating sa ospital habang nasa kritikal na kondisyon naman ang kasama niyang si Polo.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang 14 na basyo ng bala ng armalite rifle na ginamit ng isa sa mga suspek. Narekober naman sa sasakyan ng pulis ang isang caliber .45 revolver at isang 9mm Berreta pistol na parehong kargado ng bala.

Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya kung ano ang kaugnayan ng babaeng biktima sa pinatay na pulis at humingi na rin ng kopya ng CCTV footage ng motel ang pulisya para makita ang itsura ng mga suspek.

Samantala, may impormasyon na nagsasagawa diumano ng anti-illegal drug operation ang biktima sa lugar nang mangyari ang pamamaslang.