538 marinong Pinoy naka-quarantine sa Japan

Nasa 538 marinong Pinoy ang kasalukuyang naka-quarantine sa Japan matapos dumaong sa Lungsod ng Yokohama ang sinakyan nilang cruise ship na pinigil dahil sa pangamba na infected ng novel coronavirus ang mga pa­sahero nito.

Kabilang sa nasabing bilang dito ang isang Pinoy crew ng Diamond Princess na nagpositibo sa nCoV, ayon sa Philippine Embassy sa Tokyo nitong Miyerkoles.

Batay sa inilabas na pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), mahigpit nang mino-monitor ng Philippine Embassy ang kalagayan ng mga Pinoy na sakay ng cruise ship na kasalukuyang nakadaong sa baybayin ng Yokohama.

Nabatid na 10 pasahero ng cruise ship ang nagposi­tibo sa nCoV, kabilang ang marinong Pinoy at ililipat sila sa healthcare facility.

Sinabihan naman umano ang ibang pasahero na manatili sa cruise ship para sumailalim sa 14 araw na quarantine period.

Nabatid na kabilang pa sa nagpositibo sa nCoV ay dalawang Australian, tatlong Japanese, tatlong taga-Hong Kong at isang Amerikano. (Armida Rico)