Nabisto na gumagamit ng iligal na droga ang nasa limampu’t limang driver ng public utility vehicle (PUV) sa buong bansa matapos na magpositibo ang mga ito sa isinagawang sunod-sunod mandatory drug test kahapon.

Sa nakalap na report sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) base na rin sa isang panayam, sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na kasalukuyang isinasagawa ang ‘Oplan Harabas’ sa 49 na lugar sa buong bansa.

“Ngayon araw na ito, so hindi pa natatapos, meron na tayo kaagad na 16 na positive na drivers na gumagamit ng iligal na droga,” naunang sabi ni Aquino sa unang bugso pa lamang ng kanilang operasyon.

Bukod dito, ayon kay Aquino ay isasailalim pa sa confirmatory test ang mga urine sample na kinuha sa mga driver.

Sakaling magpositibo ulit ang mga ito sa confirmatory test ay tatanggalan muna ng lisensiya ang mga driver. “Temporarily ire-revoke ng LTO yung kanilang driver’s license and eventually after siguro makatapos siya o maka-graduate ng isang reformation or rehabilitation program, pwede na siya sigurong bumalik muli sa dati niyang trabaho,” idinagdag pa ni Aquino.

Isinasagawa ng PDEA ang ‘Oplan Harabas’ sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Coast Guard (PCG), Department of Health (DOH), at LTO. (Riz Dominguez/Armida Rico/Dolly Cabreza)