55th final match nina Novak, Rafael nalalapit

Posibleng magkrus ang landas nina top-ranked Novak Djokovic at No. 2 Rafael Nadal sa Paris Masters final, kung sakali ay magiging 55th match ng kanilang karibalan.

Parehong naitawid sa straight sets ng dalawa ang asignatura sa quarterfinals nitong Biyernes.

Dinemolis ni Djokovic si seventh-seeded Stefanos Tsitsipas 6-1, 6-2 tatlong linggo matapos masilat sa Greek sa quarters ng Shanghai tournament.

Mas nahirapan si Nadal kay 2008 champion Jo-Wilfried Tsonga. Umabot sa 3-3 ang first set tiebreak sa double fault ni Nadal, pero na-break ng Spaniard ang unseeded Frenchman sa bukana ng second para kontrolin ang laro tungo sa 7-6 (4), 6-1 win.

“It was a tough first set where I had to play at a very high level,” wika ni Nadal.

Nag-aagawan sina Nadal at Djokovic para sa year-end No. 1 ranking. Makukuha ito ni Nadal sa panlimang pagkaka­taon kapag nanaig sa ‘di pa niya pinaghahariang Paris Masters, hinahabol ni Djokovic ang panlima niyang titulo sa Bercy Arena at pang-anim na year-end finish sa No. 1.

Sa semifinals ngayon, toka ni Djokovic si Grigor Dimitrov samantalang haharapin ni Nadal si Denis Shapovalov. (VE)