56 sugatan, ilang simbahan nawasak sa Mindanao quake

Nasa 56 katao ang nasaktan habang ilang mga bahay, simbahan at gusali ang nasira matapos yumanig ang magnitude 5.5 na lindol sa Surigao del Sur noong Sabado.

Tumama ang lindol dakong alas-4:42 ng madaling-araw sa ba­yan ng Carrascal at may lalim na 11.8 kilometro. Pito umanong aftershocks ang naitala matapos ang lindol.

Nagtakbuhan ang mga tao palabas ng kanilang mga bahay habang inilikas din ang mga pasyente mula sa Madrid District Hospital matapos magkaroon ng biyak sa mga pader nito.

Gumuho rin maging ang bubungan ng car park na dahilan upang masira ang tatlong sasakyan at dalawang trak ng bumbero.

Naramdaman din sa kalapit na mga bayan ang lakas ng lindol kung saan nasira ang mga bahay, simbahan, hotel, gym, tulay at palengke.

Naitala ng mga rescuer ang nasa 56 sugatan sa buong rehiyon kabilang na ang anim sa Madrid at isang mag-ama na na-trap ng tipak ng bato mula sa gumuhong bubungan sa kanilang kuwarto sa Cantilan.

Malaki ang posibilidad na madagdagan pa ang bilang ng mga naapektuhan sa lindol. (Juliet de Loza-Cudia)